by Jacques Gimeno
Published on: Jun 15, 2005
Topic:
Type: Poetry

Tao’y nilikha sa lupa,
Hinubog ng tubig,
Pinatibay ng hangin.

Mata niya’y sumilay
Sa agos ng panahon,

Hinagkan mapusok na pagbabago't
Nabingwit ng maling pag-unlad

Sinira ang bawat buhay na Iyong nilikha
Pumipiglas, pinipilit abutin
Nagniningas na apoy, nakakaakit, nakalalapnos...

O Allah, yakapin Mo,
Ibalik Mo ang tao
Mula sa lupa Mo nilikha.

Umaawit, lagaslas ng tubig
Mga agos ng buhay,
Nilason ang banal
Daloy ng pag-ibig Mo.

Bathala Iyong dinggin
Bulong ng pagkitil ng buhay.
Iligtas Mo ang tao sa tubig Mo inagapay.

TAO - mahalagang elemento't
instrumento ng pagbabago,

O Diyos, linangin Mo't hubuging muli
Anak Mong nakalimot

Yapusin at muling tanggapin
Pagsisising alay sa Iyo.

Damhin ang kalawakang ginagalawan,
Nauupos na paghinga't
Dahan-dahang kadiliman.

Patnubayan Mo, O Hari
Tao sa kan'yang paglalakbay
sa hangin Mo ay pinatibay.

Allah,
Bathala,
Hari ng lahat,
Aming Ama.




« return.